Hindi ko alam kung saan tayo patungo
Hindi ko alam kung dapat ba akong sumama sa'yo
Hindi ko alam kung tama ba 'to
Hindi ko alam kung tama bang nag-tagpo tayo
Dapat bang mahalin ka?
Dapat bang ipag-patuloy ito?
Dapat ba kitang hayaang pumasok?
Dapat bang ibigay ko sa iyo ang buong ako
Dapat bang mahalin kita ng buo
Dapat bang maramdaman ko ito?
Hindi.
Hindi ko rin alam kung ano ang tamang sagot.
Baka walang tamang sagot.
Baka walang sagot.
Ang alam ko lang kasi,
Parehas tayong may pupuntahan
Ang alam ko lang kasi,
Kailangan ko ng kasama, kahit ngayon lang
Ang alam ko lang kasi,
Walang tama o mali sa pag-ibig
Ang alam ko lang kasi,
Nag-kita tayo tapos ito na, ganito na tayo
Ang alam ko lang kasi,
Mahal kita.
Ang alam ko lang kasi,
Gusto ko itong mag-tagal
Ang alam ko lang kasi,
Naka-pasok ka na, pero pwede kang lumabas kung kailan mo gusto
Ang alam ko lang kasi,
Wasak na ako nang natagpuan mo
Ang alam ko lang kasi,
Mahal kita.
Ang alam ko lang kasi,
Walang mali sa taong nagmamahal
Hindi.
Hindi ko na alam kung dapat pa ba.
Pero isa lang ang alam ko,
May isang byahe tayong pagsasamahan.
Marahil darating ang araw na kakailanganin
nating tumigil sa gitna,
mag-pahinga at umusad; ikaw sa kanan, ako sa kaliwa.
Marahil darating ang araw na
mauubusan tayo ng enerhiya
at kakailanganin ng bagong lakas
mula sa ibang pwersa, mula sa ibang nilalang.
Pero habang nasa byahe tayong ito,
handa akong samahan ka,
handa akong mag-lakad,
handa akong mag-lakbay,
at kung pag-dating sa dulo
ay hindi na natin kailangan ang isa't-isa,
asahan mong bibitaw ako nang dahan-dahan,
dadalhin ang ala-ala nating masasaya,
bibitawan ang bagaheng matagal na dapat ibinaba,
iiwanan ang mga pangakong binitawan,
at hindi mag-iiwan man ng anong pait at sakit.
Dahil sa byaheng ito,
hindi mahalaga kung saan at paano tayo nag-simula,
mas mahalaga kung paano tayo magwawakas.