Alam ko na’to. Kabisado ko na, e. Darating ka, maglalakad
patungo sa akin, magkaka-titigan tayo. Kikislap ang mga mata ko na para bang
inihulog na ng langit ang pinakahihintay kong regalo. Ngingiti ka, uupo ka, at
ayan sa wakas, magkaharap na tayo. Nasa harap ko na ang pinaka-magandang umaga
at pinaka-malamig na gabi ng buhay ko. At dahil nga kabisado na kita, alam kong
tatanungin mo ako kung kumusta ang araw ko, at syempre, sasabihin kong “eto, kausap ko na.” pero hindi, dahil
kabisado na kita, alam kong ang isasagot ko ay, “ayun, okay naman.” Tatango ka
at ngingiti kang muli, at ako, iibig ulit ako, paulit-ulit, walang mintis.
Aayain mo akong lumabas at maglakad-lakad pagkatapos nating kumain at
mag-kwentuhan, at oo, sasama ako, palagi akong sasama. Hahawakan mo ang kamay
ko, mahigpit pero panatag ang buo kong pagkataong hindi ka bibitaw. Tatawid
tayo sa kalsadang pamilyar, susuyurin natin ang kalyeng kaya kong lakarin ng
nakapikit, maglalakad tayo. Tatawa tayong parang walang bukas. Maglalakad pa
tayo. Diretso lang, walang likuan. Pero hindi e, hindi lang isang diretso ang
kalsadang ito. Kailangan nating lumiko. Liliko, teka, saan ka pupunta?
Oo nga pala, kabisado ko na ‘to e, liliko ka. Gusto ko pang
dumiretso pero lumiko ka na, at hindi, oo, hindi na kita pwedeng habulin kasi naglalakad
ka na, patungo sa kanya, titingin siya sa’yo at magkakatitigan kayo. Kikislap
ang mga mata mo, ngingiti siya at uupo ka sa harap niya,at kukumustahin niya
ang araw mo. Sasagot ka, “eto, kausap ko na.” ngingiti siyang muli at sa
pangalawang pagkakataon, iibig ka. Aayain mo siyang maglakad-lakad pagkatapos
niyong kumain at mag-kwentuhan, papayag siya, hahawakan mo ang kamay niya,
mahigpit pero sigurado, tatawid kayo sa kalsadang pamilyar, susuyurin ang
kalyeng kabisado na, tatawa na parang walang bukas at maglalakad pa. Diretso,
walang likuan, walang likuan, walang lumiko, lumakad ka palayo.
Teka, kabisado ko na ‘to e, pero bakit hindi ko pa rin
makabisado kung kailan tutulo ang luha? Bakit hindi ko pa rin kabisado kung ilang
kahon na naman ng tisyu ang mauubos ko kaka-iyak? Bakit mali na naman ang
tantsa ko ng panahon ko ng pag-move on? Kabisado ko na, e. Alam kong sasakit
pero bakit hindi ko pa rin kabisado yung kirot? Alam kong aalis ka pero bakit
hindi pa rin ako sanay sa pag-iisa? Siguro nga kabisado ko na ang mangyayari,
pero kahit kailan, hindi ko makakabisado ang kirot ng pagkawala mo, ang hapdi
ng pag-alis, pag-balik at muli mong pag-alis, ang mga gabing magiging araw at
ang mga araw na hindi sisikat para sa akin, ang mga panahong iiyak akong
mag-isa, mga araw na hindi ko gugustuhing lumabas ng bahay, at higit sa lahat, ang
mga araw na gigising na naman akong mag-isa, tulala at mag-iisip na naman kung
kabisado ko pa rin ba ang pinaka-importanteng bagay na dapat kong gawin
pagkatapos ng istroya natin, ang kalimutan ka.
No comments:
Post a Comment