Nagising siya isang araw na hapung-hapo, hingal na hingal na para bang isang libong kilometro ang tinakbo kahit na nakahilata lang naman siya magdamag. Nagising siya. Pero hindi siya bumangon. Iminulat ang mga mata, tinitigan ang kisame, pinatay ang alarm clock at ipinikit muli ang mga mata. Ayaw niyang makita. Ayaw niyang may makita. Ayaw niyang may makakita. Ayaw niyang may makakita sa mga luhang pumapatak, ayaw niyang may makakita sa mga pilit na galak, ayaw niyang may makakita sa bagay na ayaw niya ring makita. "Hindi ako dapat nagkakaganito, hindi ko dapat nararamdaman ito, hindi dapat ako ganito", bulong ng isip niya. Iminulat niya ang kanyang mga mata, tinitigan ang kisame, tinignan ang paligid, at bumangon.
Masakit ang kasu-kasuan, namamaga ang mga mata, at nauuhaw. Sumakit ang kasu-kasuan kagabi kakahabol sa tao na ang tingin sa kanya ay wala nang silbi, namaga ang mga mata kakaiyak ng tatlong sunod-sunod na gabi para sa taong hindi na niya katabi, at nauuhaw. Nauuhaw siya sa pagmamahal.
No comments:
Post a Comment