Sunday, November 1, 2015

Tanong Ng Sawi


Paano?
Paano mo nakakayang tabihan siya sa isang madilim na sulok
Habang nanunood ng paborito niyong pelikula
Samantalang mag-isa akong nakaupo sa sulok
Ng dilim at liwanag
Ng sakit at pait?
Paano mo nakakayang hawakan ang kamay niya habang hinihintay kita
Na saluhin ang puso kong nahulog, gumulong palayo
At gumulong muli pabalik sa'yo?

Saan?
Saan mo dadalhin ang puso kong naligaw
Kakahanap ng daan palayo sa iyo, sa atin?
Saan ako kakapit ngayong ikaw ay bumitaw?

Sino?
Sino ang lalapitan ko
Ngayong wala ka na sa piling ko?
Sino, sino ba ako ngayon sa'yo?

Kailan?
Kailan ko matatanggap na tapos na
Tayo, ikaw, ako?
Kailan ko matatanggap na iba na
Ang gusto mong kasama?
Kailan ko maiisip na huwag ka nang isipin?
Kailan ko maaalalang huwag kang alalahanin?

Ilan?
Ilang beses kong uumpugin ang sarili ko
Sa pader ng katotohanang, "Lintik, wala ka na"?
Ilang beses akong luluha
Bago ako malunod sa reyalidad na wala na tayo?
Ilang bote pa ang hahalikan ko
Para mawala ang pakiramdam ng labi mo sa utak
Kong masyado nang gamit na gamit kakaisip sa'yo?
Ilang history books pa ang babasahin ko
Hanggang sa matauhan akong hindi lang tayo ang may nakaraan?
Ilang kanta pa ang pakikinggan ko
Upang hindi ko na marinig ang ugong ng tinig mo
Dito sa puso at isip ko
Na walang ginawa kundi isipin at mahalin ka?

No comments:

Post a Comment