Saturday, September 26, 2015

Wala Sa Kanila


Kung aasa ka lang sa ibang tao
Masasaktan ka
Mahihirapan ka
Maiinis ka

Kung hihintayin mong paligayahin ka ng iba
Maiinip ka
Mabuburyo ka
Mababadtrip ka

Huwag mong idepende
Ang kasiyahan at kalakasan mo sa iba
Hindi sila ang humihinga para sa'yo
Hindi sila ang nagpapalamon sa'yo
Hindi sila ang nagpinta ng buhay mo

Wala sa kanila ang saya at pag-ibig
Wala sa kanila ang huling tinig
Wala sa kanila ang lihim na iyak
Wala sa kanila ang sakit ng bawat yapak

Ikaw, ikaw ang nakakaramdam ng lahat
Ikaw ang nakakakita ng dapat
Ikaw ang nagbibigay kulay sa lahat
Ikaw lang

Monday, September 7, 2015

PANGAKO


Nangangako ako na kailanman ay hindi na ako huhugot pang muli. 
Bakit pa diba? E tapos na. Nagawa na. Nasaktan na. 
Para saan pa? Para ano pa?
Kung ang tanging mahuhugot ko lang naman din ay ang
malulungkot na ala-ala ng daang tinalikuran mo, 
ng daang tinalikuran natin. 
Pero baka maganda ring hugutin ko na 'to.
Kaya sa huling pagkakataon, mahal ko. 
Hayaan mong hugutin kita sa nakalipas at 
tuluyang ibaon ang pag-ibig na kumupas. 
Pangako, ito na ang huling pangakong ipapako ko. 
Pangako.

Sunday, August 23, 2015

HOY, TAMAD. PARA SA'YO 'TO.


Bawal kang maging tamad. 
Hindi ka pwedeng tamarin. 
Hindi ka naman pagod e. 
Nag-aral ka lang naman. 
Umattend ka lang naman ng mga meetings. 
Nag-thesis ka lang naman. 
Kasi tamad ka. 
Tamad kang gawing proud ang mga magulang mo sa'yo kasi hello, lagi ka lang namang nasa school para sa events. 
Tamad kang magpursigi sa pag-aaral kasi tatlong kape lang naman ang nainom mo para manatiling dilat hanggang alas-singko ng umaga para matapos lahat. 
Kaya hindi ka pagod, tamad ka. At ang tamad, hindi napapagod. Kasi nga tamad, ano ba. 
Para sa'yo, para sa akin, na laging nasasabihang tamad, huwag kang mag-alala. 
Katawan lang natin ang tamad. 
Pero ni kailanman, hindi sila magkakaroon ng ideya kung gaano ka-sipag 
ang puso't isip natin na intindihin at mahalin sila. Diba ma?

Saturday, August 15, 2015

KUNG HINDI NA, AKO PA RIN BA?


Minsan, naiisip ko, paano kung hindi na ako
Paano kung hindi ko na kaya
Paano kung hindi ko na gusto

Kung hindi na kita pwedeng isama sa mga lakad ko
Kung hindi na kita kayang ilibre sa Starbucks
Kung hindi na kita gustong dalhin sa Maginhawa
Ako pa rin ba?

Kung hindi na kita kayang pakainin ng pizza sa S&R
Kung hindi na kita kayang bilhan ng G-TEC 
Kung hindi na kita kayang bitbitin sa simbahan
Ako pa rin ba?

Ako pa rin ba ang pipiliin mo?
Ako pa rin ba ang mananaig?
Ako pa rin ba ang matitira?

Kung hindi na ako lahat ng ako ngayon
Ako pa rin ba ang pipiliin mo na makasama maghapon?

Isipin mo ako at ako lang
Hindi kasama ang pera, pag-aari at luho
Isipin mo ako at ang pagmamahal ko
Ako at ang mga kalokohan natin
Ako at ang mga pinagsamahan natin
Ako at ang mga pinag-awayan natin

Kung ito na lamang ang matitira
Ako pa rin ba?